Jumper ni Tolentino naglusot sa Northport

Sinugod ni Arvin Tolentino ng NorthPort ang de­pensa ng Blackwater.
PBA Image

MANILA, Philippines — Nilustay ng NorthPort ang malaking benta­he bago maitakas ang 115-113 panalo kontra sa Blackwater at mapanati­li ang tsansa sa playoffs ng 2024 PBA Philippine Cup kahapon sa Caloocan Sports Complex.

Sumaklolo si Arvin To­lentino para sa Batang Pier nang ibuslo ang winning jumper sa huling si­yam na segundo tungo sa 5-6 kartada sa pagtatapos ng kanilang kampanya.

Tengga sa No. 8 ang NorthPort para sa hu­ling tiket sa quarterfinals subalit dedepende pa ang kapalaran sa mga huling laban ng Meralco (4-5) at Blackwater (3-6).

Dahil sa panalo ng Ba­tang Pier ay laglag na rin sa kontensyon ang Phoenix Fuel Masters (3-7) kagaya ng Converge Fi­berXers (1-8).

Nagbuhos si Tolentino ng 27 points, 11 rebounds, 7 assists at 2 blocks para trangkuhan ang NorthPort na nagtala ng 19-point lead sa third quarter.

Umalagwa ang Batang Pier sa second quarter, 34-18, upang makapagtayo ng 66-48 abante sa halftime bago lusawin ito ng Bossing simula sa third period at makalapit sa 81-88 papasok sa payoff period.

Hindi na naawat ang Blackwater hanggang sa dulo nang lumamang pa sa 113-107 matapos ang free throw ni Troy Rosario subalit iyon na ang naging huli nilang sunggab nang magliyab si Tolentino para sa NorthPort.

Napurnada ang season-high na 33 points ni Ro­sario.

Show comments