MANILA, Philippines — Nilapa ng San Beda University ang ikalawang dikit na panalo sa likod ni Angel Mae Habacon para kaldagin ang Emilio Aguinaldo College, 25-13, 25-22, 25-17, sa NCAA Season 99 women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Bumira si Habacon ng 16 points mula sa 15 attacks at isang block para tulunagn ang Lady Red Spikers na ilista ang 2-4 karta para sa No. 7.
Nagtala si Janelle Bachar ng walong puntos, habang may tig-anim sina Jaydel Margaret Dela Cruz at Maxinne Joyce Tayag para ibaon sa ilalim ang Lady Generals sa 0-6 karta.
Pumalo si Cath Almazan ng 14 points para sa EAC.
Sunod na makakalaban ng Lady Red Spikers ang Jose Rizal Lady Bombers sa Miyerkules, habang makakaharap ng Lady Generals ang San Sebastian Lady Stags sa Martes.