Chua, Aranas pasok sa semis ng World Cup of Pool

World Cup of Pool
STAR / File

MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom sina Pinoy cue artists Johann Chua at James Aranas papasok sa semifinals ng 2023 World Cup of Pool na ginanap sa Pazo De Feiras E Congressos De Lugo sa Spain.

Tinalo ng 2021 Southeast Asian Games gold medalists na sina Chua at Aranas sina Ko Pin-Yi at Ko Ping-Chung, 9-8, sa quarterfinals para sa ticket sa last four.

Makakatapat nina Chua at Aranas sa semis sina Albin Ouschan at Mario He ng Austria at kaila­ngan nilang manalo upang manatili ang asam na masilo ng Pilipinas ang pang-apat na kampeonato.

Nakaungos sina Chua at Aranas sa 8-2 sa kanilang race-to-9 match pero nalagay sa alanganin matapos makakuha ng anim na sunod na racks ang magkapatid na Ko.

Subalit hindi nanginig sina Chua at Aranas sa 8-8 double hill at naging matatag at kalmado sa pagtumbok upang makuha ang importanteng panalo.

Kabilang sa mga pinatalsik nina Chua at Aranas ay ang defending champion na sina Francisco Sanchez Ruiz at David Alcaide ng Spain-A, 7-5, at kinaldag sina Jose Alberto Delgado at Jonas Souto ng Spain-B, 7-2, sa round of 16.

Show comments