Malacañang-PSC ayaw madungisan

MANILA, Philippines — Nais ng Malacañang-Philippine Sports Commission na idagdag ang GSIS sa listahan ng kanilang mga biktima habang tangka naman ng two-time champion Judiciary ang back-to-back wins sa 8th UNTV Cup na magpapatuloy sa Pasig City Sports Center bukas.

Haharapin ng Malacañang-PSC Kamao ang Furies sa alas-2 ng hapon tangka ang ikatlong sunod na panalo sa  annual tournament na ito para sa mga public servants na may premyong P4 milyon sa champion team para sa mapipili nilang charity.

Sa pangunguna nina dating national pool member Erick dela Cuesta at Ian Garrido, tinalo ng Kamao ang NHA (77-76) at Judiciary (64-60) sa Group B elims.

Bigo  ang Furies sa unang dalawang laro kaya kailangan nila ng doble kayod na performance ni  Rene Boy Banzali.

Maghaharap sa isa pang Group B match sa alas-5 ng hapon ang Judiciary Magis at NHA Builders habang tangka ng PhilHealth ang unang panalo sa pagharap sa Ombudsman sa nag-iisang laro sa Group A.

Ang Judiciary at NHA ay may parehong 1-1 karta kaya inaasahan ang gitgitang laban.

Inaasahan ding magdeliber para sa Kamao sina JA Roque at Visnu Das Javier na tumapos ng double figures sa panalo kontra sa Builders.

Markado naman sa NHA si Alvin Vitug matapos umiskor ng 34 points sa huli nilang laro.

Show comments