Indigenous Games idinaraos para sa mga katutubo

MANILA, Philippines — Sa pagdaraos ng mga Indigenous Peoples Games sa iba’t ibang probinsya ay inaasahan ng Philippine Sports Commission na mapepreserba ng mga IPs ang sarili nilang tradisyon at kultura.

“Mahalaga ito para sa kanila para ma-preserve ang ating mga cultural games and traditions with the dawn of technology,” wika kahapon ni Philippine Sports Commissioner Charles Raymond Maxey sa pagbubukas ng 4th leg ng IP Games sa Balakbak Elementary School sa Kapangan, Benguet.

“Hindi ko naman sinasabing nakalimutan na ng mga kabataan ngayon. Ang gusto lang nating gawin ay ipaalam sa kanila ang ating mga traditional games, culture and heritage” dagdag pa nito.

Nakasama ni Maxey sa isang makulay na opening ceremonies si Kapa-ngan Mayor Manny Fermin na nakasuot ng traditional dress at nanguna sa isang ritwal.

“Nagpapasalamat kami sa PSC dahil sa pagbibigay ng pagkakataon sa aming mga katutubo na muling buhayin ang tradisyunal na laro at ipaalala sa ating mga kabataan kung gaano kasaya ang mga katutubong laro na ito,” sabi ni Fermin.

Idineklara ang buwan ng Oktubre bilang Indigenous Peoples Month, dagdag ni Maxey.

Halos 500 kalahok mula sa 15 barangay kasama ang mga kinatawan ng tribung Ibaloy at Kalungayan ang sasabak sa nasabing three-day event.

Sinimulan sa unang araw ng kompetisyon ang sidking, dama, patintero, pakwel, sanggol at sungka.

Ang iba pang IP games na nakalatag ay ang sidking aparador, tiklaw, pri-soner’s base, palsi-it, kadang-kadang, ginuyudan, kayabang, pangke, pallot at dad-an di pato.

Show comments