MANILA, Philippines – Sa isang panayam sa kanya sa Tokyo, Japan ay ipinakita ni Manny Pacquiao na wala nang problema sa kanyang kanang balikat.
At tiniyak niyang magiging handa siya sakaling maitakda ang rematch nila ni Floyd Mayweather, Jr. sa susunod na taon.
“I can lift my shoulder like this. No problem any longer,” sabi ni Pacquiao sa kanyang kanang balikat na inoperahan noong Mayo 7 matapos matalo kay Mayweather via unanimous decision noong Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sinabi ng 36-anyos na Filipino boxing superstar na mas magiging preparado siya sakaling maplantsa ang kanilang rematch ng 38-anyos na si Mayweather.
“I’ll be ready for that mentally and physically next year. I’ll show a better performance against him than in the first encounter,” ani Pacquiao.
Matatandaang nagkaroon ng right shoulder injury si Pacquiao sa fourth round na naging dahilan kung bakit hindi niya napabagsak si Mayweather.
Nakuha ni Pacquiao ang nasabing injury tatlong linggo bago ang kanilang mega showdown ni Mayweather.
Ang Sarangani Congressman ay nasa Tokyo, Japan para sa bidding ng Pilipinas sa 2019 FIBA World Cup.
Bago ang rematch kay Pacquiao ay lalabanan muna ni Mayweather si Andre Berto sa Setyembre 12 sa MGM Grand.
Ito ang sinasabing magiging pinakahuling laban ni Mayweather bago magretiro.