Aswang Territory (21)
HIYANG-HIYA tuloy na lumabas sa comfort room si Armani dahil alam niyang lalo niyang pinasasama ang loob ng nobya.
Alam naman nito kung bakit siya ay napatakbo papuntang comfort room. Na siya ay susuka. Isusuka ang masarap na mga kinain noong dinner.
Dahil alam na niya ngayon kung ano ang mga ‘yon. Kung saan nagmula.
May kumatok, mahina.
“Armani? Okay ka lang ba diyan? Baka kung napaano ka na, ha? Bakit ayaw mong lumabas?”
“Okay lang ako, Avia. Kuwan ... nag-aalala nga ako, e. Dahil baka naman ikaw pala ang hindi okay. Ang dami ko nang kasalanan, Avia. Sa iyo ... sa inyong lahat. Napakaarte ko kasi, e. Naturingan pa namang lalaking tao.”
Tuloy pa rin ang pag-uusap nila habang sarado ang pintuan at nahaharangan sila nito sa isa’t isa.
“Ano ka ba? Bakit mo ba sinisisi ang sarili mo? Hindi biro ang magkanobya ng tulad ko, Armani. Lalo na nangahas ka pang sumama rito sa amin. Kaya hindi lang isang aswang ang titiisin mo kundi marami. Kaya ‘yang mga reaksiyon mo ... mga nararamdaman mo ... hindi ko dapat ikasama ng loob.”
“Pero para kasing hindi ko napapanindigan na mahal na mahal kita at tanggap na tanggap ko ang pagkatao mo. Pati ng buong pamilya mo. Para tuloy ... binola lang kita, Avia.”
“Ako ang nakakaalam ng totoo. Sigurado ako na mahal na mahal mo ako. At gusto mo talagang maging bahagi ng pamilya. So you have nothing to worry. Lumabas ka na diyan. Matulog na tayo sa tig-isang kama. And tomorrow ... it will be another day. Na sisimulan natin. With hope and a promise of a meaningful life kahit pa magkaiba tayo.”
“Pero, Avia ... nakakain na ako ng pagkain ninyo ... bakit ba di na lang ako matulad sa inyo? Para makasama na ninyo na wala akong takot sa inyo.”
“Armani ... in time. Hindi puwedeng apurahin. Let it come without forcing it. Unti-unti ... matutulad ka rin ng aming lahi. Promise.”
Binuksan na ni Armani ang pinto. Nagtitigan sila ni Avia. At mabilis na nagyakap nang mahigpit.
Siguro dahil sa pagod at stress, nakatulog naman kaagad sila sa magkahiwalay na kama.
Kinabukasan ng umaga, puro prutas at gatas lamang ang kinain nina Avia at Armani. Napakasarap ng mga ulam pero wala silang karapatang kumain dahil sa nagdaang gabi ay hindi sila nag-hunt ng pagkain nila. Itutuloy
- Latest


















