Palasyo ng Pelikulang Pilipino bibisitahin ng I-Witness

MANILA, Philippines - Noong panahon ng golden age of cinema, sila ang mga dating palasyo ng pelikulang Pilipino. Dati, ito ang pinaka-makinang na bahagi ng Maynila na dinarayo ng mga pinakasikat na artista.

 Ngayon, ang mga stand-alone na sinehan ay tila bahagi na lang ng nakaraan at tila nawalay na sa kamalayan ng mga Pilipino. Namumukod-tangi na lamang sa mga ito ang Family Theater sa Pampanga na naging matunog kamakailan sa pinilakang tabing bilang isang sex den sa pelikulang Serbis ni Brillante Mendoza.

 Sa Quiapo, makikilala ng TV host na si Howie Severino si Mang Boy Prado, isang janitor sa Globe Theater mula pa noong 1975. Wala nang ipinapalabas sa Globe Theater ngayon pero marami pa rin ang dumarayo rito dahil bentahan na itong electronics. Papasukin ng I-Witness ang dating sinehan para masaksihan ang natitira sa dati’y makinang nitong nakaraan.

Ngayong Lunes, sulyapan ang mundo sa loob ng mga dating palasyo ng pelikulang Pilipino kasama si Howie sa I-Witness, pagkatapos ng Saksi, sa GMA 7.

 

Show comments