Suarez maghihintay kay Navarrete
MANILA, Philippines — Handang maghintay ng pagkakataon si World Boxing Organization (WBO) international super featherweight champion Charly Suarez para sa kanilang rematch ni world title-holder Emanuel Navarrete ng Mexico.
Nakikipag-usap na kasi ang kampo ni Navarrete, may 40-2-1 win-loss-draw ring record tampok ang 33 knockouts, kay World Boxing Council (WBC) king O’Shaquie Foster (25-3-0, 12 KOs) para sa isang unification championship fight.
“For me, I’m waiting for Navarrete because there’s a lot of people waiting for that fight,” sabi ni Suarez (19-0-0, 11 KOs) na nagmula sa isang first-round knockout win kay Manuel Avila para sa WBO international super featherweight belt noong Linggo.
Gusto ng 37-anyos na si Suarez na makabawi sa 31-anyos na si Navarrete na hinamon niya para sa suot nitong WBO crown noong Marso 19, 2025.
Idineklara ng California State Athletic Commission (CSAC) na isang ‘no contest’ ang nasabing laban matapos baliktarin ang naunang hatol na unanimous technical decision win ng Mexican.
“It depends on my promoter, Sampson (Lewkowicz). He knows what is good for me. I trust him so much – with everything,” ani Suarez. “He knows the best fight for me.”
Sakaling hindi kaagad mangyari ang rematch kay Navarrete ay puwedeng labanan ng tubong Sawata, Davao del Norte si three-division champion Vasiliy Lomachenko (18-3-0, 12 KOs).
- Latest


















