Baha mula bundok rumagasa: Dalagita dedo, 5 kaeskwela nasagip

MANILA, Philippines — Patay ang isang dalagitang estudyante habang masuwerte namang nailigtas ang lima pang kapwa nito mag-aaral matapos rumagasa ang baha sa ilog habang naliligo ang mga ito sa Brgy. Pasonanca, Zamboanga City nitong Sabado.
Sa report ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), nangyari ang insidente sa Tumaga River, Brgy. Pasonanca ng lungsod dakong alas-3 ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon, nagkatuwaang maligo sa ilog ang anim na estudyante pero biglang rumagasa ang baha galing sa bundok sa gitna ng malakas na pagbuhos ng ulan kung saan tinangay ng malakas na agos ang biktima.
Samantala, masuwerte namang nakaligtas ang lima pang estudyante matapos na umakyat sa nabuwal na puno sa gitna ng ilog habang naghihintay ng tulong.
Nagresponde naman ang rescue team sa pangunguna ni Zamboanga City Mayor Khymer Adan Olaso, mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard , CDRRMO at iba pang mga volunteers at nasagip ang mga mag-aaral na nangunyapit sa natumbang malaking puno sa gitna ng ilog sa pagragasa ng baha galing sa bundok dulot ng malakas na pagbuhos ng ulan.
Natangay naman ng malakas na agos ng tubig baha ang isa sa mga estudyante habang tinatangka nitong lumangoy pabalik sa pampang ng ilog. Ang bangkay ng biktima ay natagpuan kalaunan malapit sa tulay ng nasabing ilog.
- Latest


















