Ilatag mga testigo ng 1 linggo – Lacson
Para bawas delay sa trial
MANILA, Philippines — Upang mabawasan ang mga pagkaantala sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, iminungkahi ni Senator-judge Panfilo “Ping” Lacson na ilatag na agad ang listahan ng mga testigo na papaharapin sa loob ng isang linggo.
“Isa nga sa sinuggest ko, i-line up ng defense o prosecution para sa isang linggo (na witnesses), dapat nandiyan sa holding room para kung matapos kami ng maaga sa isang testigo, hindi masayang ang araw,” ani Lacson sa panayam sa DZBB radio.
“Hindi pamadaliin para ma-compromise ang pag-present ng ebidensya, pero madaliin natin in such a way na huwag tayo magsayang ng araw,” dagdag niya.
Sinabi ni Lacson na maagang natapos ang pagdinig noong nakaraang Miyerkules dahil wala pa sa Senado ang susunod na testigo, si NBI Regional Director Jeremy Lotoc.
Aniya, kung magpapatuloy ang kasalukuyang takbo ng paglilitis na halos isang testigo lamang kada linggo, maaari itong umabot hanggang sa panahon ng Pasko at higit pa.
Dagdag niya na bukas si Impeachment Court Presiding Officer Sen. Francis Escudero sa naturang mungkahi.
“VP Duterte is also entitled just like any respondent in an ordinary court hearing sa speedy trial. So dapat mag-devise din kami ng pamamaraan para mapabilis,” ani Lacson.
- Latest






















