Sara trial lalong umiinit!

Mas maraming testigo, ihaharap
MANILA, Philippines — Asahan na mas marami pang testigo ang ipiprisinta ng House prosecution panel laban kay Vice Pres. Sara Duterte sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Senado na papasok na sa ikalawang linggo ng pagdinig.
Ayon kina House impeachment prosecutors Rep. Leila de Lima ng Mamamayang Liberal Partylist at Rep. Chel Diokno ng Akbayan, mas nagiging kapana-panabik at patuloy na umiinit ang mga eksena sa impeachment trial.
“Exciting naman talaga ang impeachment, marami ang magiging interesado sa darating na linggo at sa mga susunod pa,” ani Diokno.
May 11 araw ang prosecution panel para ilatag ang kaso sa Article IV na tumutukoy sa umano’y assassination threat ni VP Sara laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.
Matapos ang pagtestigo ni NBI Senior Agent John Mark Calilung, nakatakdang humarap sa Senado ang mga karagdagang testigo kabilang sina NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc, Captain Belinda Bello, Executive Director ng Sergeant-at-Arms Legislative Security Bureau ng Kamara at NBI Director Melvin Matibag.
Bukod pa rito, naisyuhan ng subpoena si Atty. Zuleika Lopez, dating Chief of Staff ng Office of the Vice President (OVP).
Si Lotoc ang nanguna sa imbestigasyon sa pagbabanta ni VP Duterte laban kay PBBM at isa sa pangunahing testigo ng prosekusyon. Siya rin ang nag-analisa sa mga ebidensya at video na na-authenticate ni Calilung, na kalaunan ay isinampa sa Department of Justice (DOJ).
Dagdag pa ni Diokno, nailatag na ang pundasyon ng kaso sa grave threat matapos maiprisinta ang unang testigo.
“Ang trabaho ng prosecution ay parang magtatayo kami ng bahay. Hindi naman tayo puwedeng magtayo ng bahay kung walang pundasyon,” giit ni Diokno.
- Latest



















