Quezon, Maris, big winner sa 9th EDDYS!

Ang historical drama film na Quezon ang big winner sa ginanap na 9th EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) noong Linggo ng gabi, kung saan nakuha nila ang Best Picture kasama ang Best Screenplay at Best Production Design, habang ang bida nito na si Jericho Rosales ang nagwagi ng Best Actor at Direk Jerrold Tarog ang Best Director.
Si Maris Racal ang itinanghal na Best Actress para naman sa pelikulang Sunshine.
Ang paggawad ng parangal ng EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ay nagbigay-pugay sa mga natatanging pelikulang Pilipino noong nakalipas na taon, na ginanap sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Newport World Resorts.

Kinilala si Jericho para sa kanyang pagganap bilang Pangulong Manuel L. Quezon sa makasaysayang biopic ng TBA Studios.

Samantala, naiuwi ni Maris ang Best Actress trophy para sa kanyang pagganap sa coming-of-age drama na Sunshine, na nanalo rin ng parangal para sa Best Editing.

Sa Best Supporting Actor ay nag-tie sina Will Ashley para sa kanyang papel sa Bar Boy: After School at vocalist / actor Rico Blanco para sa Manila’s Finest.

Si Rochelle Pangilinan naman ang itinanghal na Best Supporting Actress para sa kanyang pagganap sa Cinemalaya movie na Child No. 82.
Sa mga technical awards, ang Salvageland ay nagwagi para sa Best Cinematography, habang ang Manila’s Finest ay nakakuha ng tatlong tropy para sa Best Sound, Best Musical Score at Best Theme Song.
Ang horror anthology na Shake, Rattle & Roll: Evil Origins ay nagwagi ng Best Visual Effects.

Bukod sa mga acting at technical categories, kinikilala rin ng Eddys ang kahusayan at ‘di matatawarang kontribusyon sa pelikulang Pilipino ang mga icon.
Ngayong 2026, hinirang bilang Eddys Movie Icons sina John Arcilla, Edgar “Bobot” Mortiz, Rio Locsin at Janice de Belen para sa kanilang naging kontribusyon sa pelikula at telebisyon sa loob ng maraming taon.
Ang Isah V. Red Award ay iginawad kina Chaye Cabal Revilla at Donny Pangilinan, habang ang former showbiz writer / editor turned director na si Joven Tan ang tumanggap ng Joe Quirino Award at ang beteranong entertainment journalist na si Lhar Santiago ay pinarangalan ng Manny Pichel Award. Kinilala rin sa 9th EDDYS ang mga Box Office Heroes ng taon: sina Vice Ganda para sa Call Me Mother, Maricel Soriano at Joshua Garcia (tinanggap ni Merryl Soriano) para sa Meet, Greet & Bye, Kim Chiu at Paulo Avelino (tinanggap ni Nico Antonio) para sa My Love Will Make You Disappear, at Richard Gutierrez para sa Shake, Rattle & Roll: Evil Origins.
Patuloy na kinikilala ng EDDYS ang kahusayan sa sining at teknikal na aspeto ng pelikulang Pilipino, kung saan ang mga nagwagi ay pinili ng mga miyembro ng SPEEd, isang organisasyon na binubuo ng mga entertainment editor mula sa mga nangungunang publikasyon sa print at online.
Naging host naman ng 9th EDDYS sina Kim Atienza and Pops Fernandez.
- Latest

























