Todo na preparasyon ng Gilas

MANILA, Philippines — Itotodo na ng Gilas Pilipinas ang preparasyon nito kontra sa Australia at New Zealand para sa ikatlong window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers simula sa ilang friendly games ngayon laban sa professional ball clubs ng New Zealand.
Matapos ang training camp sa Brisbane, Australia, tutulak pa-New Zealand ang Gilas ngayon upang kilatisin ang kalibre ng Manawatu Jets sa homecourt nito sa Fly Palmy Arena
Sunod namang sagupain ang Franklin Bulls sa Franklin Pool and Leisure Center bukas.
Bahagi ito ng paghahanda ng Gilas para sa pares ng road games kontra sa New Zealand sa Auckland sa Hulyo 3 at laban sa Australia sa Perth sa Hulyo 6.
Puntirya ng Gilas ang matamis na higanti matapos ang 69-66 kabiguan kontra sa New Zealand at 93-66 na pagkatalo laban naman sa Australia na parehong ginanap sa homecourt nito sa Mall of Asia Arena noong nakaraang window.
May 2-2 kartada sa ngayon ang Gilas sa Group A at sigurado na susunod na round subalit kailangan pang makarami ng panalo dahil sa carry over format sa 2nd round kontra sa Jordan, Iran at Syria ng Group C.
Isasalang ni Cone sa tune-up games at sa mismong laro sina naturalized player Justin Brownlee, RJ Abarrientos at Troy Rosario ng Ginebra kasama sina 9-time PBA MVP June Mar Fajardo ng San Miguel, Chris Newsome ng Meralco, Mike Phillips ng La Salle at sa MPBL, Juan Gomez de Liaño at Justine Baltazar ng Converge pati na sina Carl Tamayo, AJ Edu, Kevin Quiambao at Dwight Ramos mula sa Japan.
Wala muna ngayong window ang twin towers na sina Kai Sotto at Quentin Milllora-Brown mula din sa Japan pati na sina Calvin Oftana ng Talk ‘N Text, CJ Perez ng San Miguel at Scottie Thompson ng Ginebra.
- Latest





















