Eala palaban sa French Open

MANILA, Philippines — Pukpukan na ang paghahanda ni Alex Eala para sa mabigat na labang haharapin nito kay American Iva Jovic sa first round ng French Open sa Paris, France.
Nakatakda ang bakbakan nina Eala at Jovic sa Lunes ngunit wala pang eksaktong oras na inilagay ang mga organizers.
Sumalang sa ilang oras na ensayo si Eala para masigurong nasa perpektong kundisyon ito lalo pa’t malakas ang makakalaban nito.
Hawak ni Jovic ang No. 17 spot sa world rankings habang nasa ika-38 naman si Eala.
Sa Grand Slam event sa taong ito, nakaabot si Jovic sa quarterfinals ng Australian Open noong Enero habang maagang nasibak si Eala na natalo sa opening round pa lamang.
Sa kabila nito, hindi nasisindak si Eala.
Kilala ang Pinay netter na palaban.
Nakita na ito sa mga nakalipas na laban ni Eala kung saan ilang top-ranked players na ang tinalo nito kabilang na sina Grand Slam champions Iga Swia-tek, Madison Keys at Jelena Ostapenko gayundin sina Coco Gauff at Jasmine Paolini.
Kaya naman inaasahang hindi basta-basta isusuko ni Eala ang laban sa oras na makaharap nito si Jovic.
Isasantabi muna ng dalawa ang kanilang pagkakaibigan para sa karapatang umusad sa second round ng Roland Garros.
Nais ni Eala na tuldukan ang masaklap na kampanya nito sa clay season kung saan hindi pa ito lumalampas sa quarterfinals sa kanyang nakalipas na mga torneo.
Pinakamalayo na ang third round sa Linz Open sa Austria.
Maaga itong nasibak sa mga nakalipas na torneo nito sa Spain, Germany at Italy.
Kaya naman desidido si Eala na tuldukan ang maasim na ratsada nito sa clay season.
Noong nakaraang taon, hindi rin nakaabante si Eala sa second round ng French Open kung saan yumuko ito kay Emiliana Arango ng Colombia, 0-6, 6-2, 3-6.
Nakaabot naman ito sa second round sa doubles kasama si Renata Zarazua ng Mexico pero nabigo ang dalawa kina Olga Danilovic at Anastasia Potapova, 1-6, 3-6.
- Latest


















