Fuel Masters dapa sa Black Knights
MANILA, Philippines — Isang 18-4 atake ang inilunsad ng sibak nang Macau sa dulo ng fourth quarter para talunin ang Phoenix, 105-98, sa Season 50 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Nagbagsak si Jenning Leung ng 32 points tampok ang anim na three-point shots para sa 3-9 record ng sibak nang Black Knights kasunod ang 23 markers ni Ramon Cao.
Humakot si American import Tony Mitchell Jr. ng 24 rebounds, 13 points at 4 blocks para sa magandang pagtatapos ng kampanya ng guest squad.
Nahulog ang baraha ng Fuel Masters sa 6-5 bagama’t nakakuha kay dating Best Import awardee Jonathan Williams ng 20 points at 22 boards.
Kinuha ng Macau ang 20-point lead, 34-14, sa 2:30 minuto ng first period bago nakabalik ang Phoenix, nakahugot kay Ken Tuffin ng 27 points, sa halftime, 51-55.
Inagaw ng Fuel Masters ang 67-60 bentahe sa 5:06 minuto ng third quarter at itinala ang 89-83 kalamangan sa 6:42 minuto ng final canto.
Isang 18-4 bomba ang inihulog ng Black Knights tampok ang tatlong triples ni Leung para kunin ang 101-93 abante sa huling 2:40 minuto.
Samantala, dumalo sina naturalization candidates Bennie Boatwright III at Matthew James Ramos sa Senate Committee on Justice and Human Rights para sa pagpapatuloy ng kanilang Philippine citizenship applications.
- Latest






















