Laela Mateo handang sumabak sa PH junior team

MANILA, Philippines -- Kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto ni Fil-American guard Laela Mateo na maging miyembro ng Gilas Pilipinas girls' basketball team.
Isa ang 16-anyos na Grade 11 student ng Franklin High School sa mga players ng Fil-National Team A na kasalukuyang sumasabak sa National Basketball Training Center (NBTC) – ang development program ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa grassroots level.
“I want to play and represent the Philippines in international competitions. It’s a dream I share with my father, so I will try my best to make it,” wika ng 5-foot-7 na si Mateo.
Ang Fil-National Team A ay isa sa walong Filipino-foreign squads na naglalaro sa NBTC at nangunguna sa Group A ng girls’ under-16 division
Nakatanggap si Mateo ng imbitasyong maglaro para sa isang top high school team sa Maynila, ngunit sinabi ng kanyang ama na si Lance na priority nila ang mapasama sa national junior team.
“Last year, may eight slots para sa mga Fil-Ams sa Philippine training pool pero hindi kami nakasali, but this year we will try our luck,” ani Lance Mateo na gusto ring makasama ang kanyang anak sa PATAFA National Open sa Mayo.
“Sa school nila, athletics ang second sports niya. Lumalaban siya sa sprint at middle distance. Sana, kung makasama siya sa tournament ng SBP next month, isabay na namin 'yung National Open participation niya,” dagdag ni Lance.
Ang NBTC, pinamumunuan ni dating PBA coach Eric Altamirano, ay bahagi ng recruiting arm ng SBP na naghahanap ng mga mahuhusay na Fil-foreign players sa pamamagitan ng Global Games sa US mula noong 2022.
“Ang programa ay nagbibigay-daan sa mga Pilipinong nakabase sa ibang bansa. Sa harap ng mga Pinoy at mga opisyal ng basketball, maipapakita nila ang kanilang mga talento para mapili sa Philippine team,” sabi ni Fil-National Team A coach Jed Rowe.
- Latest

















