Zamboanga, Roxas nakauna sa semis
MANILA, Philippines — Ginulantang ng Zamboanga City at Petra-Cement Roxas ang kanilang top seed na karibal upang makuha ang 10 bentahe sa kani-kanyang best-of-three semifinal series sa 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Leg na ginaganap sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.
Sinorpresa ng Zamboanga City ang second seed Clarin sa pamamagitan ng 70-68 gitgitang panalo habang nanaig naman ang Roxas sa third seed Pagadian sa iskor na 78-67.
Nasandalan ng Zamboanga City si Mac Mac Cardona na umiskor ng 17 puntos, limang assists, apat na rebounds at dalawang steals samantalang nakatuwang nito si Gabby Espinas na naglista ng 15 puntos, 12 rebounds, at dalawang blocks.
“Our defense was tighter today because we knew they have good wingmen with good shooting hands. John Wilson did not score double digits. That was a big thing for us,” ani Zamboanga head coach Tony Pardo.
Nanguna para sa Clarin si Carlo Lastimosa na may 12 puntos.
Sa kabilang banda, binanderahan ang Roxas ni James Castro na nagrehistro ng 19 puntos, pitong assists, anim na rebounds, at dalawang steals.
Nakatakda ang Game 2 ng serye sa Lunes ng gabi.
- Latest























