SMB-Alab hiniya ang Taipei
MANILA, Philippines — Umarangkada ang San Miguel-Alab Pilipinas sa huling 2:40 minuto tungo sa 101-96 panalo kontra sa Taipei Fubon Braves sa pagpapatuloy ng Season 10 Asean Basketball League (ABL) sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Nagpakawala si Jeremiah Gray ng dalawang triples at umiskor ng apat na puntos si Khalif Wyatt habang isang lay-up naman mula kay Nick King sa kanilang 12-7 run upang maungusan ang bisitang Fubon Braves mula sa Taiwan at maitala ang kanilang ika-limang panalo sa pitong laro.
Tumapos si Gray ng 17 puntos kabilang na ang tatlong triples na may kasamang anim na assists, limang rebounds at tatlong steals upang bumangon sa kanilang 93-98 talo sa Macau Wolf Warriors noong Linggo sa parehong venue.
Humataw din ng double-double performance si 7’6 Maltese import Sam Deguara sa kanyang 26 puntos at 14 rebounds.
Si King ay tumulong din ng 22 puntos, anim na rebounds at limang assists upang iangat ang tropa ni head coach Jimmy Alapag sa sosyohan sa ikalawang puwesto kasama ang Mono Vampire Thailand sa parehong 5-2 win-loss kartada sa likuran ng solo leader Kuala Lumpur Dragons na hawak ang 3-1 slate.
- Latest