Leonard, Powell binuhat ang Raptors

TORONTO-- Humataw si Kawhi Leonard ng 25 points at nag-ambag si Norman Powell ng 20 markers para banderahan ang Raptors sa 111-98 panalo laban sa Los Angeles Lakers.
Tumipa si Pascal Siakam ng 16 points kasunod ang 15 markers ni Marc Gasol para sa pang-siyam na sunod na panalo ng Toronto laban sa Los Angeles.
Hindi pa natatalo ang Raptors kontra sa Lakers simula noong Nobyembre 30, 2014.
Tumapos naman si LeBron James na may 29 points habang tumipa si Alex Caruso ng career-high 16 markers sa panig ng Los Angeles na nabigo sa ikaanim sa huli nilang pitong laban.
Sa Salt Lake City, nagtala si Donovan Mitchell ng 24 points kasunod ang 18 markers ni Jae Crowder para akayin ang Utah Jazz sa 120-100 paglampaso sa Minnesota Timberwolves.
Naglista si Derrick Favors ng 17 points at 11 rebounds habang kumolekta si Ruby Gobert ng 10 points at 13 boards para sa Jazz.
Kumabig si Karl-Anthony Towns ng 26 points, kasama ang 14 sa third quarter kung saan nakadikit ang Timberwolves sa 70-71 bago muling nakalayo ang Jazz sa 91-81 papasok sa fourth period.
Sa Denver, nagsalpak si Nikola Jokic ng isang jump-hook bago tumunog ang final buzzer para itakas ang Nuggets laban sa Dallas Mavericks, 100-99.
- Latest























