Creamline, Paymaya sa finals

MANILA, Philippines — Mabilis na pinataob ng Creamline Cool Smashers ang Pocari Sweat-Air Force sa bisa ng impresibong 25-15, 25-18, 25-16 desisyon para pumasok sa finals ng Premier Volleyball League Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Tinuldukan ng Cool Smashers ang pagkauhaw nito sa finals appearance matapos ang dalawang third-place finishes noong nakaraang taon kung saan bumandera si Alyssa Valdez na kumana ng 15 puntos kabilang ang 13 attacks na nilakipan pa ng 14 digs.
“Instead of dampening our spirits, the Game One loss fueled us to reach the finals. We’re thankful for everything that happened to the team,” wika ni Valdez.
Nagparamdam din si Thai import Kuttika Kaewpin na nagsumite rin ng 15 markers kabilang ang tatlong aces at walong receptions habang nagdagdag si Risa Sato ng 10 puntos at Laura Schaudt ng walong puntos.
Dinomina ng Creamline ang buong laro matapos magpakawala ng 45 attacks na nabuo mula sa impresibong playmaking skills ni Jia Morado na naglista ng 29 excellent sets.
Sinamantala rin ng Cool Smashers ang basag na lineup ng Lady Warriors matapos magtamo ng back sprain si Pocari Sweat-Air Force top hitter Myla Pablo habang nagwa-warmup ito.
Naiwan ang pasanin kina American reinforcements Arielle Love at Maddie Palmer na pareho ring hindi syento porsiyento dahil sa iniindang ‘bum stomach.’
Sa ikalawang laro, naitarak ng PayMaya ang 22-25, 14-25, 25-14, 25-23, 15-12 come-from-behind win laban sa BanKo Perlas para masungkit ang ikalawang tiket sa finals.
Magtutuos ang Cool Smashers at High Flyers sa best-of-three championship shopwdown simula sa Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
- Latest



















