Blue Eagles dumapo sa Finals

MANILA, Philippines — Dinagit ng UAAP titlist Ateneo de Manila University ang 50-38 panalo laban sa Far Eastern University upang tukain ang unang tiket sa finals ng 2018 FilOil Flying V Preseason Premier Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nangibabaw para sa Blue Eagles si Thirdy Ravena nang magrehistro ito ng pitong puntos samantalang nag-ambag ng tig-aanim na puntos sina Anton Asistio, Angelo Kouame at Raffy Verano.
Natapos ang third quarter sa iskor na 30-all.
Mula rito, matinding depensa ang pinakawalan ng Blue Eagles para malimitahan sa walong puntos ang Tamaraws sa buong panahon ng fourth quarter para matamis na makuha ang panalo.
Bumandera para sa Tamaraws si Prince Orizu na may 11 markers habang kumana ng walo si dating Ateneo standout Hubert Cani.
Makakalaban ng Blue Eagles ang magwawagi sa pagitan ng reigning NCAA champion San Beda at College of Saint Benilde na naglalaro pa habang sinusulat ang balitang ito.
Lalarga ngayong araw ang one-game championship round gayundin ang battle-for-third sa parehong venue.
Sa juniors, naisaayos ng Mapua University at San Beda ang paghaharap sa finals matapos matakasan ang matinding puwersang inilatag ng kani-kanilang karibal sa semis.
Iginupo ng Red Robins ang Far Eastern University-Diliman sa bendisyon ng 88-86 double-overtime win habang nailusot ng Red Cubs ang 82-81 pukpukang panalo kontra naman sa National University-Nazareth School.
Nasandalan ng Mapua si Paolo Hernandez na tumipa ng 23 puntos katuwang si Clint Escamis na may 20 points, anim na rebounds, anim na assists at tatlong steals. (CCo)
- Latest



















