Cool Smashers diretso sa semis
Laro Ngayon (The Arena)
2pm Iriga vs BanKo (W)
4pm Pocari vs Tacloban (W)
MANILA, Philippines — Ibinaon ng Creamline ang 25-22, 25-18, 25-16 panalo laban sa BaliPure-National University para angkinin ang unang outright semis slot sa PVL Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Naging armas ng Cool Smashers ang malalim nitong karanasan para mabilis na pataubin ang Water Defenders sa larong tumagal lamang ng 69 minuto.
Mas naging solido ang Cool Smashers sa solong liderato bitbit ang 5-1 baraha habang gumulong ang Water Defenders sa 3-3 kartada.
Nasandalan ng Cool Smashers si three-time UAAP MVP Alyssa Valdez nang humataw ito ng 15 puntos buhat sa 11 attacks at apat na aces kasama si playmaker Jia Morado na naglista naman ng 30 excellent sets.
“BaliPure is a strong team, import-wise at siyempre yung mga local players nila. Iba rin talaga ang nadadala ng mga batang players. It’s a team effort for us. Jia (Morado) really played well today, she distributed the ball to everyone that’s why kinaya naming manalo ng three sets,” ani Valdez.
Umariba rin si Thai import Kuttika Kaewpin na nagtala ng 10 hits, 11 digs at pitong receptions gayundin si middle hitter Risa Sato na may siyam na puntos at Ukrainian reinforcement Nikolina Asceric na umani ng pitong puntos.
Nanguna para sa Water Defenders si American imports Janisa Johnsin na umiskor ng 13 puntos at Alexis Matthew na pumalo ng 10 kills.
Sa men’s division, pinatumba ng Vice Co. ang PLDT Home Fibr, 25-20, 25-23, 23-25, 25-20 upang makisalo sa liderato.
Nagsanib-puwersa sina Richard Solis at JP Bugaoan sa pagkolekta ng 29 puntos para dalhin ang Blockbusters sa 3-1 rekord at saluhan sa tuktok ng standings ang defending champion Cignal na may parehong marka.
- Latest


















