Johnson itinakas ang BaliPure
MANILA, Philippines — Nailusot ng BaliPure-NU ang pahirapang 22-25, 25-23, 28-26, 22-25, 15-12 panalo laban sa Petro Gazz Angels upang sumampa sa win column ng Premier Volleyball League Season 2 Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Inilabas ni import Janisa Johnson ang lahat ng kanyang alas matapos humataw ng 31 puntos mula sa 27 attacks at apat na aces para banderahan ang Water Defenders sa kanilang pambuenamanong panalo sa dalawang pagsalang.
“Malaking tulong talaga siya. The addition of Johnson is deeply appreciated,” pahayag ni Water Defenders coach Babes Castillo.
Nakakuha ng sapat na suporta si Johnson mula kina high school standout Princess Robles at Lady Bulldogs mainstay Rose Doria gayundin sa isa pang reinforcement na si Alexis Matthews na dati nang naglaro sa Philippine SuperLiga bilang import ng Cignal.
Pumalo si Robles ng 17 markers tampok ang 13 attacks habang naglista si Matthews ng 15 puntos para sa Water Defenders.
Nag-ambag si Doria ng siyam na puntos kabilang ang dalawang blocks.
Patuloy namang inaalat ang Gazz Angels na lumasap ng ikatlong sunod na kabiguan.
Bumandera sa panig ng Gazz Angels si Anastasia Trach na humataw ng 22 puntos gayundin si Kari Kullerkann na nagrehistro ng 21 hits.
Sa men’s division, nalusutan ng IEM Phoenix Volley Masters ang PLDT Home Fibr Fast Hitters, 14-25, 25-21, 22-25, 25-22, 15-12 upang maikabit ang kanilang ikalawang sunod na panalo.
Kumana naman si five-time UAAP MVP Marck Espejo ng 28 puntos para tulungan ang Cignal na makuha ang 25-23, 20-25, 25-23, 25-21 panalo laban sa Vice Co Blockbusters tungo sa 1-0 rekord.
Bagsak sa 0-2 ang Fast Hitters at gumulong sa 1-1 ang Blockbusters.
- Latest

















