Mapua sinilat ang UP
MANILA, Philippines — Binigo ng Mapua College ang University of the Philippines, 79-78 para masiguro ang kanilang unang panalo sa 2018 FilOil Flying V Preseason Premier Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Naasahan ng Cardinals sina Lawrence Victoria, Exie Biteng at Eric Jabel sa huling sandali ng laro para sumampa ang kanilang tropa sa 1-0 rekord.
Nagtala si Biteng ng 19 puntos samantalang may pinagsamang 25 puntos sina Jabel at Victoria.
“It’s a team effort. What’s really important for us is to play team defense. We cannot afford to play one-on-one. I am very glad to prove that we have a chance of winning even if we don’t have any imports,” ani Mapua head coach Atoy Co. CCo
Hinawakan ng Cardinals ang kalamangan sa buong panahon ng laro ngunit hindi sumuko ang Fighting Maroons sa likod nina Nigerian big man Bright Akhuetie at Gilas cadets member Juan Gomez De Liaño.
Dalawang tres ang pinakawalan ni Gomez De Liaño para makadikit ang UP sa 73-75 sa huling 24 segundo.
Ngunit umariba si Biteng ng isang krusyal na basket habang naisalpak ni Jabel ang kanyang freethrows para hatakin ang Cardinals sa panalo.
Nakalikom si Akhuetie ng double-double na 30 points at 18 boards habang nagdagdag si Paul Desiderio ng 13 markers at 12 naman galing kay Gomez De Liaño.
Bagsak sa 0-2 ang UPMaroons.
- Latest



















