Wala nang kawala sa NCR
Obiena, Verdadero may pahabol pang ginto
SAN JOSE DE BUENAVISTA, Antique, Philippines - Sa pang-13 sunod na taon ay muling ipinakita ng National Capital Region ang kanilang dominasyon sa taunang Palarong Pambansa.
Umagaw naman ng eksena sina Veruel Verdadero ng Region IV-A at Francis Obiena ng NCR sa athletics event ng 60th edition ng annual sports meet kahapon dito sa Binirayan Sports Complex.
Hanggang kahapon ng alas-6 ng gabi ay humakot ang NCR ng 30 gold, 15 silver at 15 bronze medals sa elementary at 52-29-22 sa secondary divisions para manguna sa medal tally hawak ang pinagsamang 82-44-37 medalya kasunod ang Region VI (33-19-31), Region IV-A (24-47-41), Region XII (19-21-29), CARAA (21-18-20), Negros Island (19-20-27), Region XI (18-16-18), Region X (15-17-35), Region III (12-15-18), Region VII (11-12-20), Region V (9-17-33), Region I (7-12-13), Region VIII (7-5-14), Region II (6-12-11), CARAGA (5-10-13), Region IX (4-0-11), ARMMAA (1-3-3) at Region IV-B (0-6-5).
Mula nang ipatupad ang paggamit ng point system at medal tally noong 2005 ay hindi pa naisusuko ng NCR ang korona sa nasabing sports event para sa mga student/athletes na may edad 17-anyos pababa.
Idinagdag ng 15-anyos na Grade 9 student ng Immaculate Conception-Cavite na si Verdadero ang secondary boys’ 4x100m relay (42.48), kasama sina Karl Aquino, Bryan Flores at Joviane Calixto, sa kanyang naunang apat na kinuhang gintong medalya.
“Masayang-masaya po kasi first time ko lang nakakuha ng limang golds dito sa Palaro,” sabi ng 5-foot-4 na si Verdadero, pinagharian ang 100m (10.96), 200m (21.90), 400m (49.58) at 4x400m relay (3:22.64).
Lumundag naman si Obiena ng bagong record na 4.30 meters sa secondary boys’ pole vault para burahin ang dati niyang 4.06m noong nakaraang taon sa Legazpi City, Albay.
Pinilit niyang kunin ang 4.40m mark, ngunit hindi niya nagawa sa tatlong attemtps.
“Medyo pagod na rin ako,” sabi ng 17-anyos at six-footer na si Obiena, ang amang si Edward ay may hawak ng pole vault record sa NCAA at kumuha ng bronze medal sa decathlon event ng SEA Games.
Ang kanyang 21-anyos na kapatid na si Ernest John, inaasahang mag-uuwi ng medalya mula sa 2020 Tokyo Olympics, ay kasalukuyang nagsasanay sa Italy sa paggiya ni Olympic legend Vitaly Petrov.
Tinalo ni Obiena, nagtapos sa Chang Kai Sheik School, para sa gold medal sina Mark Del Rosario (3.70m) ng Region II at John Paul Parulan (3.30m) ng Region III.
Sumira din ng Palaro mark ang Region IV-A nang magtala ng bagong record na 3:54.37 sa secondary girls’ 4x400m relay para basagin ang 3:56.43 ng Region VIII noong 2016.
- Latest


















