Pacquiao ibinitin pa ang desisyon
MANILA, Philippines – Muling ibinitin ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao ang kanyang desisyon tungkol sa magiging pinakahuli niyang lalabanan sa Abril 9, 2016.
Sinabi ni Fred Sternburg, ang spokesman ni Bob Arum ng Top Rank Promotions, na hindi pa handa si Pacquiao na pangalanan ang kanyang sasagupain.
“I was asked to tell you on Bob’s behalf that, unfortunately, Top Rank will not have an announcement on truTV as originally planned as Manny is not ready to make a decision on his opponent yet,” wika ni Sternburg.
Plano sana ni Arum na ihayag ang makakatapat ni Pacquiao kahapon sa championship fight nina Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire Jr. at Cesar Juarez sa Puerto Rico.
Si Timothy Bradley Jr., ang kasalukuyang World Boxing Organization welterweight king, ang tumayong analyst sa naturang Donaire-Juarez fight.
Isa si Bradley sa nasa listahan ni Arum para labanan si Pacquiao, nakalasap ng unanimous decision loss kay Floyd Mayweather Jr. noong Mayo 2.
Nauna nang sinabi ni Arum na naipadala na niya kay Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) ang mga fight tapes nina Bradley (33-1-1, 13 KOs), light welterweight titlist Terence Crawford (27-0-0, 19 KOs) at Amir Khan (31-3-0, 19 KOs) na mas piniling hamunin si IBF titlist Kell Brook.
Dalawang beses nagharap sina Pacquiao at Bradley sa ibabaw ng boxing ring kung saan sila may 1-1 record.
Tinalo ni Bradley si Pacquiao via split decision noong 2012, habang nakabawi naman ang Filipino boxing superstar sa kanilang rematch noong 2014.
- Latest