Thunder sinuwag ang Bulls

CHICAGO -- Kumolekta si Kevin Durant ng 35 puntos at 12 rebounds at pinayukod ng Oklahoma City Thunder ang Bulls, 97-85.

Nagdagdag naman si guard Russell Westbrook ng 17 puntos matapos magpahinga sa kanilang huling laro laban sa Dallas Mavericks dahil sa kanyang surgically repaired knee para ibangon ang Thunder sa kanilang pinakamasaklap na pagkatalo ngayong season.

Nanggaling ang Oklahoma City sa 23-puntos na kabiguan sa Mavericks noong Linggo.

Nagpasabog ang Thunder ng 13-point bomba matapos umiskor ng walong sunod na puntos ang Bulls sa kaagahan ng fourth quarter.

Idiniretso ni Durant ang kanyang ratsada sa 32 sa pag-iskor ng 25 puntos kada laro na mas mahaba matapos ang 40 ni Michael Jordan noong 1986-87 season.

Sa Indianapolis, tumipa si Lance Stephenson ng 25 puntos at bumangon ang Indiana Pacers sa pagkakaiwan para talunin ang Philadelphiam76ers, 99-90.

Ipinalasap ng Pacers sa 76ers ang franchise-record na 21 sunod na kamalasan nito.

Nagtala si Paul George ng 24 puntos para sa Pacers na iniwanan ng Sixers sa 6-15 bago nakalayo.

Nag-ambag si George Hill ng 11 points para sa India­na, habang nagtumpok si Ian Mahinmi ng 10 puntos at sumikwat si David West ng 12 rebounds.

Pinamunuan ni Thaddeus Young ang Philadelphia sa kanyang 23 puntos.

Hindi pa nananalo ang Sixers sapul noong Enero 29.

Sa Houston, naglista si Terrence Jones ng 30 puntos at tinapos ng Rockets ang isang three-game skid matapos kunin ang 124-86 panalo laban sa Utah Jazz.

Hindi naglaro si Dwight Howard dahil sa kanyang ankle strain na hindi naman nakaapekto sa pananaig ng Rockets sa Jazz.

Sa iba pang laro, nanalo ang Brooklyn Nets sa Phoenix Suns, 108-95; Dallas Mavericks sa Boston Celtics, 94-89; Denver Nuggets sa L.A. Clippers, 110-100 at Atlanta Hawks sa Charlotte Bobcats, 97-83.

Show comments