Matapos hatawin ang 2-1 lead Pinoy Cuppers delikado sa Indons

MANILA, Philippines - Bigo sina Fil-Ams Treat Huey at Ruben Gonzales na mapangatawanan ang unang panalo na kinuha sa doubles nang matalo kina Christopher Rungkat at Elbert Sie, 4-6, 6-3, 7-6 (5), 6-2, sa pagpapatuloy ng Asia Oceania Zone Group II Davis Cup Finals kahapon sa Gelora Bung Karno Tennis Stadium sa Jakarta, Indonesia.

Nakatulong ang Indonesia crowd upang buhayin ang laban nina Rungkat at Sie upang hawakan ang 2-1 kalama­ngan sa best of five series na kung saan ang mananalo ay aabante sa Group I sa 2013.

Ang inasahang matibay na serve ni Huey na nakita nang nanalo siya kay Sie sa ikalawang singles noong Biyernes ay hindi nasilayan sa larong ito dahil nananakit ang kanyang balikat.

Dahil dito, ang lahat ng serve na ginawa ni Huey sa laro ay napanalunan ng Indonesia na nakatulong sa tagumpay ng host team sa larong tumagal ng tatlong oras at kalahati.

Kailangan ngayon ng nationals na maipanalo ang unang reversed singles para maitabla ang laban at mauwi sa isa’t-isa ang tagisan.

Si Huey ang siyang sasalang laban kay Rungkat sa unang laro habang ang ikalawang tagisan kung may bea­ring ay sa pagitan nina Sie at Francis Casey Alcantara.

Show comments