Ateneo, NU pasok na sa Final 4 sa UAAP men's badminton

MANILA, Philippines - Sinilo ng nagdedepensang Ateneo at runner-up noong nakaraang taon na National University ang puwesto sa semifinals sa UAAP men’s badminton nang nanalo uli kahapon sa Rizal Memorial Badminton Hall.

Isang laro lamang ang natalo sa Blue Eagles tungo sa 4-1 panalo sa UE habang winalis ng Bulldogs ang Adamson, 5-0, para palawigin ang malinis na karta sa 5-0l.

Nalusutan naman ng La Salle ang UST, 3-2, ha­bang nanalo ang FEU sa UP, 3-2, sa iba pang laro.

Tulad sa mga naunang labanan, si Toby Gadi ang nanguna sa pananalasa ng shuttlecockers ng nagdedepensang kampeon nang pataubin ng 2011 MVP si Daryll Natividad, 21-9, 21-5, sa second singles at nakipagtambalan kay Patrick Natividad tungo sa 21-6, 21-12, panalo laban kina Jose Louis Gomez at Ramon Lorenzo Guerrero sa first doubles.

Lutang naman ang husay nina Jayson Oba-ob, Andrei Babad at Joper Escueta para sa Bulldogs na ipinakikita ang puwersa na sa kanilang pananaw ay sapat para agawin ang kampeonato sa taon.

Ang panalo naman ng La Salle ay nagresulta para magtabla sila ng Tigers sa 3-2, habang ang FEU ay nanatiling palaban pa sa huling puwesto sa semifinals sa 2-3 baraha. Ang Falcons at Red Warriors ay hindi pa nananalo matapos ang limang laro.

Angat din ang Ateneo sa women’s division nang kunin ang 4-1 tagumpay sa Adamson tungo sa 4-0 karta. Ang La Salle ay nanalo sa NU, 4-1, ang UST ay nakalusot sa UE, 3-2, at ang FEU ay dinurog ang UP, 4-1.

Show comments