Adamson, FEU pinayukod ang UST at NU
MANILA, Philippines - Kumawala ng career-high 21 points si Janus Lozada at sa depensa ay nilimitahan si UST rookie Kevin Ferrer para kunin ng Adamson ang ikalawang sunod na panalo, 81-71, sa 74th UAAP men’s basketball kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Humugot ang Falcons ng 19 puntos kay Eric Camson, habang sina Alex Nuyles at Lester Alvarez ay naghatid ng 16 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod, upang maipatikim sa Tigers ang unang kabiguan matapos ang dalawang dikit na panalo.
“Matagal ko ng hinahanap ang ganitong laro kay Janus na isang beterano at masaya ako na sa larong ito ay ipinakita niya ang tunay niyang talento,” ani Falcons coach Leo Austra.
Si Ferrer na nagtala ng 19 points average sa unang dalawang panalo ng Tigers ay nalimitahan sa 9 points sa pagkakataong ito.
Kumana naman ng tres ang rookie na si Chris Tolomia bago sinegundahan ng jumper ni Terrence Romeo para sa 62-59 tagumpay ng FEU kontra National University.
Si RR Garcia ay may 17 puntos, habang sina Tolomia at Romeo ay may tig-7 puntos para sa FEU na humugot ng 11 rebounds kay Aldrech Ramos.
May 12 puntos si Jelo Alolino at 11 si Ray Ray Parks, Jr. pero naisablay nito ang isang triple at drive sa huling segundo ng laban para sa 1-3 baraha ng Bulldogs.
AdU 81 – Lozada 21, Camson 19, Nuyles 16, Alvarez 11, Manyara 5, Colina 4, Etrone 3, Cañada 2, Brondial 0, Cabrera 0, Petilos 0.
UST 71 – Teng 15, Afuang 14, Abdul 13, Ferrer 9, Fortuna 8, Camus 8, Pe 2, Lo 1, Vigil 1, Sheriff 0, Tan 0.
Quarterscores: 16-5; 42-29; 64-48; 81-71.
- Latest
- Trending



















