Garcia nagyabang uli, Pacquiao babagsak sa 11th round
DALLAS - Tatlong araw bago tuluyang sumambulat ang labanang Manny Pacquiao at Antonio Margarito ay muling inulit ng trainer na si Robert Garcia ang paniniwalang sa pamamagitan ng 11th round tutumba ang pambansang kamao.
“Knockout. No other way. I like the 11th round,” wika ni Garcia nitong Martes.
Sinasandalan ng kampo ni Margarito ang angking bentahe sa laki at lakas upang mabalewala ang bilis ni Pacquiao.
Dahil sa mas malaki, hindi pinoproblema ni Margarito ang suntok na pakakawalan ni Pacquiao dahil sa paniniwalang kakayanin niya ito.
Pero kahit mas malaki, hindi naman magiging problema para kay Margarito ang pag-abot sa catchweight na 150 pounds sa weigh in sa Biyernes (Sabado sa bansa).
Ang paglalabanan ng dalawa ay ang bakanteng WBC junior middleweight title na nasa 154 pounds timbang.
“We have no trouble making weight. This morning he’s 150. He’s on weight already, dagdag pa ng trainer.
Sa gabi ng labanan ay sasampa si Margarito sa 160 hanggang 162 pounds pero hindi sila lalampas sa 165 pounds upang hindi lalong bumagal ang kanyang 5’11 boxer.
Wala namang takot si Roach sa pahayag na ito ng kalaban at patuloy siyang naniniwalang madaling laban ito para kay Pacquiao na sa tantiya ay mananalo sa loob ng walong rounds.
Ipinunto ni Roach ang mabagal na pagkilos ni Margarito sa media workout na ginawa nila ni Pacquiao sa Gaylord Texas Hotel.
Umabot lamang sa isang oras si Margarito na nagpasiklab sa mga mamamahayag bago bumaba ng ring at nagsagawa ng mga interviews.
“I think he’s still overweight,” wika ni Roach.
Sina Pacquiao at Margarito ay magkikita uli ngayon sa isa pang press conference na bubuksan sa publiko na gagawin sa Cowboy’s Stadium na siyang pagdarausan din ng labanan sa Sabado.
- Latest
- Trending



















