Reyes, Bustamante babandera sa Asian players

MANILA, Philippines - Muling babanderahan nina World Cup champions Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante ang kampanya ng Asia sa hamon kontra sa Europe sa pagtatanghal ng Asia versus Europe Men’s 9-Ball Team Challenge sa Enero 15 - 17 sa Sutra Hall, Rizqun International Hotel sa Brunei.

Makakasama ng dalawang Pinoy sina hostTeo Chee Soon at Taiwanese Ko Pin Yi at Lu Hui Chan para sa Team Asia sa event na inorganisa ng Brunei Darussalam Cue Sports Association, sa pakikipagtulungan ng Ministry of Culture Youth and Sports , GHK Motors Sdn Bhd, sanctioned ng Asian Pocket Billiard Union (APBU) at European Pocket Billiard Federation (EPBF).

Ang European team players ay binubuo naman nina double world champion (WPA 9-ball and 8-ball) Ralf Souquet ng Germany, 2008 World Ten Ball titlist Darren Appleton ng Great Britain, Ruslan Chinahov ng Russia, Nick van den Berg at Niels Feijen ng Netherlands.

Giniba ng Pinoy duo ang tambalan nina Souquet at Thorsten Hohmann ng Germany, 11-9, sa finals noong nakaraang taon upang masungkit uli ang titulo na una nilang napanalunan noong 2006 sa Newport, South Wales sa England.

May nakatayang kabuuang $45,000 prize money kung saan ang magkakampeon ay magbubulsa ng $27,000, habang ang team runner-up ay mag-uuwi naman ng $13,000, single match winner $5,000 at tig $500 per match x 10 matches.

Show comments