Alin sa tatlo?
Hindi natin alam kung ilang teams ang tatanggapin bilang regular member ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa isang taon. Puwedeng isa para mabalik sa dating walong regular members. O puwedeng tatlo.
Ito ang pinupuntirya ng tatlong guest teams na kalahok sa 85th season. Ang mga ito’y ang Angeles University Foundation, Arellano University at Emilio Aguinaldo College.
Nag-apply ang tatlong ito kasama ang Lyceum para maging regular member ng NCAA subalit hindi kaagad nagdesisyon ang management committee at sa halip ay inimbita nga ang tatlo upang lumahok bilang guest teams.
So, kinikilatis ng NCAA Board ang tatlong guest teams sa kasalukuyan. Tinitignan ang kanilang performance sa basketball tournament. Siyempre, hindi lang competitiveness ang sinusuri sa kanila kundi ang kanilang sportsmanship.
Pero bukod sa basketball, obligado ding lumahok ang tatlong guest teams sa ilang events gaya ng volleyball, swimming at track and field. So, kailangang maganda din ang kanilang maipakita sa iba pang disciplines ng NCAA.
Sa kasalukuyan ay parang nakauna sa pagbibigay ng magandang impression ang Arellano University Chiefs na nagrehistro ng dalawang magkasunod na panalo sa senior division ng basketball competition.
Sa kanilang unang game ay tinalo nila ang Emilio Aguinaldo College Generals, 80-62. Medyo expected iyon dahil sa sila naman ang magkaribal sa NCRAA at kapwa sila guest teams.
Pero pinabilib ng Chiefs ang karamihan nang isinunod nila ang Letran College Knights, 81-73 noong Miyerkules upang samahan sa itaas ng standings ang San Sebastian Stags sa kartang 2-0.
Dito pa lang ay ipinakita na ng Chiefs na kahit na sinunod nila ang mahigpit na eligibility rules ng NCAA at hindi nakapaglaro ang ilang players na tulad ni Ping Daroya, nakapagbibigay sila ng magandang laban. Plus factor na kaagad para sa kanila iyon.
Kasi, nais naman ng NCAA na ang tatanggapin nitong miyembro ay competitive at hindi yung tatambakan lang. Mahalaga sa liga na balanse ang line-ups ng lahat ng teams.
Well, maaga pa naman, eH. Bale may tig-18 games ang beat koponan sa double round eliminations so puwede pa’ng humabol ang Generals at ang AUF Great Danes.
O puwede ding sa ibang events sila makapagpakitang-gilas.
Hindi lang naman basketball ang mahalaga sa NCAA, e. Kaya lang natutuon ang pansin ng lahat sa basketball ay dahil televised ito.
Kita mo naman ang College of St. Benilde Blazers na kulelat sa basketball noong nakaraang season. Nagkaganoon man ay naging overall champions ang Blazers dahil sa magagandang finishes nila sa ibang events.
Marahil, sa dakong huli, iyon ang magiging pamantayan ng NCAA Board sa pagdedesisyon kung aling guest team ang magiging regular member.
- Latest
- Trending

















