Tabanag at iba pang yumaong personalidad pararangalan

MANILA, Philippines - Isa sa founders ng Philippine Sportswriters Association (PSA) at ilang mga dating national athletes at sports officials ang pagkakalooban ng posthumous award sa San Miguel Corporation-PSA Annual Awards Night ngayong Biyernes.

Pangungunahan ni Zacarias ‘Taby’ Tabanag sa mga maituturing na haligi ng pinakamatandang media organization sa bansa nang ito ay itinatag noong 1949, ang 13 iba pa na kikilalanin sa nasabing parangal sa Alegria Lounge ng Manila Pavilion Hotel.

Isang matagumpay na sportswriters na siyang pumalit sa yumao na ring si Ricky Llanos bilang PSA president, si Tabanag ay isa ring mahusay na abogado at star pitcher ng ito ay nasa kanyang college days sa University of Santo Tomas.

Ang iba pang gagawaran ng posthumous award ay sina golf legend Luis ‘Golem’ Silverio, cage great Narciso Bernardo, Olympian Gabby Fajardo, Asian Games gold medalist Andy Franco, cager Cristino ‘Tino’ Reynoso at dating Philippine Sports Commission chairman at shooting president Carlos ‘Butch’ Tuason.

“It is only fitting for the PSA to honor these men and women for all the good things they’ve done for Philippine sports,” ani president Aldrin Cardona ng Daily Tribune.

Kabilang din sa listahan ng posthumous sina golf official Amalia Montecillo, RP men’s gymnastics coach Sonny Ty, Triple crown champion jockey Elpidio Aguila, legendary race caller Tony Trinidad, long-time PBA legal counsel Atty. Butch Cleofe at sportswriters Willie Salumbides at Ric dela Cruz.

At sa ikalimang pagkakataon, matapos ang limang taon, igagawad sa boxing sensation na si Manny Pacquiao ang Athlete of the Year sa simpleng seremonya na hatid ng Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR).

Iluluklok rin ang 30-anyos na boxer sa PSA Hall of Fame sa nasabing programa na magsisimula sa alas-8 ng gabi at sina television personalities Ed Piczon at Patricia Bermudez-Hizon ang siyang hosts.

Ang dalawang oras na seremonya ay live na mapapakinggan sa DZSR Sports Radio 918.

Show comments