Kawawang Borboran!
Sadyang swerte-swerte lang talaga para sa isang rookie kung saang koponan siya mapupunta. Hindi kasi siya puwedeng makapili dahil siya ang pipiliin ng teams. Iyan ang resulta ng drafting.
Kaya namin nasasabi ito ay dahil sa naipagkukumpara ng ilan ang dating magkakampi sa University of the East na sina Bonbon Custodio at Mark Borboran na kapwa pumalaot sa Philippine Basketball Association sa taong ito.
Kapwa sila napili sa first round ng 2008 Draft.
Si Custodio ay kinuha ng San Miguel Beer samantalang si Borboran ay sinungkit ng Air 21 Express subalit ipinamigay sa Alaska Milk kapalit ni JR Quiñahan bago nagsimula ang KFC-PBA Philippine Cup. Star materials ang dalawang ito dahil sa sila ang kamador ng kanilang UE Warriors noong naglalaro pa sila sa UAAP.
Pero sa kasalukuyan, si Custodio ang siyang namamayagpag dahil gamit na gamit siya sa rotation ni coach Bethune “Siot” Tanquingcen. Akala nga ng karamihan ay walang puwang si Custodio sa kampo ng Beermen dahil sa marami siyang kapuwesto doon. May nagsabi ngang tila nagkamali ang Beermen sa pagkuha sa kanya dahil nagkaroon sila ng “surplus.”
Pero kitang-kita naman na napakikinabangan si Custodio. Katunayan, sa kanyang kauna-unahang laro bilang isang pro ay naging highest pointer siya ng Beermen na nanalo sa Alaska, 85-84 noong Oktubre 5. Doon lang ay makikita na ang kumpiyansa ng SMB coaching staff sa kanya.
Taliwas naman ang nangyayari kay Borboran na nababangko sa poder ng Alaska Milk. Nangangalahati na ang elimination round ay hindi pa naipakikita ni Borboran ang kanyang kakayahan. May isa pa nga’ng rookie ang Alaska sa katauhan ni dating NCAA Most Valuable Player Kelvin dela Peña na nababangko.
Hindi naman puwedeng kuwestiyunin si Alaska Milk coach Tim Cone sa desisyong ito dahil sa namamayagpag ang Aces. So tama lang ang desisyon ni Cone hinggil sa kanyang rotation.
Pero sayang si Borboran. Ayon nga sa iba, marahil kung hindi natrade si Borboran at sa Air 21 siya naglalaro, nabigyan na siya ng magandang break at naka-take off na ang kanyang career.
Pero sa ngayon, maghihintay muna siya. Ang tanong nga lang diyan ay hanggang kailan ang paghihintay niya. Dapat kasi’y sa Philippine Cup siya nagagagamit. Kung sa kasalukuyang conference ay hindi siya nabibigyan ng break, paano pa sa Fiesta Conference kung saan may import na maglalaro ng 48 minutes at paghahatian na lang ng mga locals ang apat na spots na natitira. Lalong mababangko si Borboran at baka ang mangyari sa kanya ay tulad ng nangyari kay Aaron Aban na dalawang taong nabangko!
May isa pa’ng kakampi sina Borboran at Custodio sa UE na ngayon ay nasa PBA na rin at ito’y si Kelvin Gregorio ng Sta. Lucia Realty. Aba’y mabuti pa si Gregorio’t paminsan-minsang nagagamit.
Well, gaya ng nasabi natin, swerte-swerte lang ng mapupuntahang team iyan, e!
- Latest
- Trending

















