Kanino ang Game One?
Sa kani-kanilang dalawang beses na paghaharap sa elimination round, ang mga Bulls at Express ang nanaig kontra sa Gin Kings at Beverage Masters, ayon sa pagkakasunod.
“I think mayroon na kaagad kaming psychological edge over them since tinalo na naming sila ng dalawang beses sa elimination round,” wika ni coach Yeng Guiao sa 89-83 at 86-82 panalo ng kanyang Red Bull Barakos sa Barangay Ginebra ni mentor Jong Uichico.
Iginupo naman ng Air21 ni Bo Perasol ang Magnolia ni Siot Tanquingcen, 96-90 at 90-88 panalo, sa kanilang dalawang ulit na labanan.
Tangan ang nasabing ‘psychological advantage’ sasagupain ng Bulls ang Gin Kings ngayong alas-6:30 ng gabi, habang haharapin naman ng Express ang Beverage Masters sa ganap na alas-4:30 ng hapon sa Game 1 ng best-of-seven semifinals series ng 2008 PBA Fiesta Conference sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Winalis ng Ginebra ang kanilang best-of-three quarterfinals duel ng Sta. Lucia sa 2-0, samantalang umiskor naman ang Magnolia ng 2-1 kontra sa Coca-Cola para makuha ang ikatlo at ikaapat na outright semifinals seat.
Kung may ‘sandata’ mang tangan ang Gin Kings laban sa Bulls, ito ay ang dating kamador ng huli na si Junthy Valenzuela.
Bukod kay Valenzuela, ang iba pang nanggaling sa Red Bull ni Guiao ay sina two-time Most Valuable Player Willie Miller ng Alaska at Rico Villanueva ng Purefoods..
Naging miyembro sina Valenzuela at Villanueva ng tatlong korona ng Photokina franchise.
Muling ibabandera ng Gin Kings sina seven-foot import Chris Alexander, Mark Caguioa, Jayjay Helterbrand, Eric Menk, Paul Artadi at Billy Mamaril laban kina Mexican reinforcement Adam Parada, Cyrus Baguio, Leo Najorda, Celino Cruz, Mick Pennisi at Mike Hrabak ng Bulls.
- Latest
- Trending
















