Belasco nagbida sa 1st win ng Welcoat
Bumandera si Nick Belasco sa pagtatala ng conference-high na 19 rebounds kalakip ng kanyang 17-puntos na produksiyon tungo sa 82-64 pananalasa ng Dragons sa defending champion Barangay Ginebra sa pagpapatuloy ng Smart-PBA Philippine Cup road game sa Capiz Gym dito.
Matapos mabigo sa unang dalawang asignatura, nakamit ng Welcoat ang unang panalo sa biyahe.
Sinamantala ng Dragons ang mahinang simula ng Gin Kings at hindi nila hinayaang magtagumpay ang paghahabol ng Ginebra upang makabawi sa kanilang pagkatalo sa Coca-Cola at Red Bull.
Nalasap naman ng Ginebra ang kanilang ikalawang kabiguan sa tatlong laro, dahil na rin sa pagkawala ng mga injured na sina Mark Caguioa at Eric Menk.
Lumapit ang Kings sa 64-66 sa kalagitnaan ng final canto, ngunit nagtulong sina Belasco at Jay-R Reyes sa 16-puntos na produksiyon ng Dragons upang iselyo ang kanilang tagumpay.
Sa kaagahan ng laro ay nabaon na ang Ginebra sa 22 puntos sa third quarter ngunit dahil sa kanilang pagtitiyaga ay unti-unti nilang naibaba ito sa dalawang puntos.
Tumapos naman si Rob Wainwright ng 15 puntos kasunod ng 12-markers ni Reyes para sa Welcoat na ngayon lamang nanalo sa Ginebra sa kanilang huling limang pagkikita.
Nanguna si Billy Mamaril para sa Ginebra sa kanyang tinapos na 17 puntos na sinegundahan naman ni Jayjay Helterbrand ng 14 puntos para sa Kings.(Mae Balbuena)
- Latest
- Trending




















