Milo Marathon NCR leg ngayon

Inaasahang magiging mahigpit ang labanan nina two- time Olympian Eduardo Buenavista, Reynaldo de los Reyes, Rogelio Reli at Ronald Despi sa Metro Manila leg ng 30th National MILO Marathon na idaraos ngayon sa Roxas Blvd.

Sa kababaihan, paborito naman sina 2002 MILO Marathon female champion Geraldine Sealza at Ailyn Tolentino.

Alas-4:30 ng umaga pakakawalan ang tinatayang 15,000 participants sa kilometer zero point sa Roxas Boulevard sa harap ng Jose Rizal monument sa Luneta.

Ang mga runners ay liliko sa NAIA Road patungo sa Edsa via Gil Puyat Ave. bago umikot sa Heritage Road sa Taguig City matapos dumaan sa Bonifacio Global City at Fort Bonifacio Army Camp.

Babalikan ng mga partisipante ang ruta ngunit makarating sa Gil Puyat-Roxas Blvd. intersection, kakanan ang mga runners patungo sa finish line sa Quirino Grandstand gamit ang southbound lane ng Roxas Blvd.

Makakasama sa national finals sa December 10 ang mga runners na makakatapos ng karera sa loob ng apat na oras sa men’s division at ang mga runner sa women’s side na makakatawid ng finish line sa loob ng apat at kalahating oras.

Nakataya ang P30,000 at isang magarang tropeo para sa mga mananalo sa men’s at women’s category. (CVO)

Show comments