Pinoy bowlers malas, silver lang sa men’s at women’s trios

Matapos magpagulong ng isang gold medal kamakalawa, dalawang silver medal naman ang nasikwat ng Team Philippines sa bowling event ng 23rd Southeast Asian Games kahapon sa Pearl Plaza Bowling Center sa Parañaque City.

Umiskor sina  Daniel Lim Tow Chung, Aaron Kong Eng Chuan at Zulkifli Zulmazran ng Malaysia ng kabuuang 4,112 pinfalls upang angkinin ang gintong medalya sa men’s trios kasunod ang 4,020 nina CJ Suarez, Chester King at Joonee Gatchalian ng Team Philippines para sa pilak at 3,914 nina Alex Lew Ken Liang, Ben Heng Boon Hian at Ameran Azidi ng Malaysia.

Nalaglag rin sa silver medal ang hangad ng Filipina trios nina Ces Yap, Liza del Rosario at Liza Clutario matapos magposte ng 3,988 pinfalls sa ilalim ng 4,060 ng gold medalist na sina Happy Ari Dewanti Soediyono, Novie Phang at Putty Insavilla Armen ng Indonesia.

Kinuha naman ng Malaysia ang bronze medal sa likod ng 3,840 pinfalls nina Wendy Chai De Choo, Esther Cheah Mei Lan at Zandra Aziela.

Samantala, dalawang gintong medalya ang pag-aagawan ngayong araw mula sa men’s at women’s team of 5 (short oil) event. (Russell Cadayona)

Show comments