Init ng Bisaya

Dumalaw ang inyong lingkod sa Asian University Basketball Championships sa Dumaguete City. Kapansin-pansin na ipinagmamalaki ng lalawigan ng Negros Oriental ang kauna-unahan nilang international sports competition. Binigyan pa ng diskwento ang mga mag-aaral para makapanood ng semifinals at finals, sa halagang P10 na lang.

Kitang-kita ang pagkakaiba sa pagsasanay ng mga koponang nanguna. Napakaganda ng disiplinang ipinamalas ng Myong Ji University ng Korea. Maging ang RP Team ay dinisgrasya nila, lalo na nang mag-init mula sa labas. Sampung 3-pointer at 42 puntos ang ipinukol ng isang 19-year old na guard ng Myong Ji, at malungkot na umuwi ng Manila ang RP team.

Natuwa naman ang lokal na pamahalaan sa naitulong ng AUBC sa turismo, at balak pa nilang akitin ang Southeast Asia Basketball Association o SEABA Championships. Plano ng pamahalaan na magdala pa ng iba-ibang mga sports events doon, para lumago ang sports tourism sa lugar.

Mula sa Dumaguete, tumulak ang inyong lingkod sa Cebu para saksihan ang adidas Streetball Challenge Visayan eliminations. Isang daan at limampung koponan ang sumali, para magkaroon ng pagkakataon na makapa-sok sa Asian Streetball finals. Dadalaw din sa Pilipinas si Tracy McGrady ng Houston Rockets.

Labis ang init, at matindi ang bakbakan bago pa man dumating ang mga kampeon ng Bacolod at Iloilo. Marami ang nagnanais na makaha-rap ang mga nagkampeon mula sa ibang bansa sa Asya.

Show comments