PBL Unity Cup: Sunkist ubos sa Lee Pipes

Matapos dagitin ang kanilang pambuenamanong tagumpay, muli na namang lumipad ang Lee Pipes-Ateneo kahapon at dahil dito ay tuluyan na nga silang nakabalik sa kontensyon.

Tumikada si Niño Gelig ng 17 puntos at nalimitahan ng Blue Eagles ang Sunkist-UST sa 4 na puntos sa huling anim na minuto upang maiposte ang 77-69 desisyon para sa kanilang ikalawang sunod na panalo sa PBL Unity Cup sa Letran gym.

Mula sa manipis na 47-46 bentahe sa kalagitnaan ng ikatlong yugto, isang 10-0 bomba ang inihulog ng Blue Eagles sa pamumuno ni Gelig, para mai-rehistro ang pinakamalaking kalamangan sa laro, 57-46.

Subalit sa pangunguna ng rookie na si Jerome Paterno, nagawa ng Tigers na makabalik at ang kanyang jumper may 6:36 sa huling yugto ang nagtabla sa iskor sa 65-all.

Pero kasunod nito, inilabas ni Sunkist coach Nel Parado sa laro si Paterno, bagay na sinamantala ng Lee Pipes upang ilunsad ang pamatay na 12-2 run kung saan ang tanging puntos na naitala ng una ay ang short stab ni Alex Compton. (Ian Brion)

Show comments