PBL Unity Cup: Blu Star nalo din sa wakas

Si Eric dela Cuesta ang dahilan kung bakit tapos na ang pagtangis ng Blu Star Advance at lilisan si coach Bong Go na isang talunan.

Tumikada si Dela Cuesta ng 23 puntos, kabilang na ang 11 sa huling yugto at ang huling 6 na puntos ng Detergent Kings upang iposte ang ang 72-69 panalo kontra sa Montana Pawnshop kahapon sa PBL Unity Cup sa Pasig Sports Center.

Sa pamamagitan ng nakakalulang 16-0 run sa kalagitnaan ng ikatlong yugto, nakuha ng Detergent Kings ang 10 puntos na bentahe na kanilang naprotektahan sa kabila ng ilang ulit na pagtatangka ng Jewels na maagaw ito.

Sa katunayan, muntik nang mapasakamay ng Montana ang panalo nang mula sa 64-70 pagkakabaon ay kumana si Al Magpayo ng 5 sunod na puntos para maibaba ang kalamangan sa isa.

Subalit hanggang dito na lamang ang kanilang nakayanan dahil matapos maimintis ni Al Vergara ang break-away layup na naglagay sana sa kanila sa trangko, ay ibinuhos ni dela Cuesta ang 2 free-throw mula sa foul ni Ismael Junio na siyang nagselyo ng panalo para sa Blu Star.

Bukod kay dela Cuesta, humatak din ng 7 rebounds at 3 assists ang Detergent Kings ay binanderahan din ni Jenkins Mesina na may 13 puntos habang sina Dondon Villamin at rookie Ramil Tagupa ay may tig-8.

Nanguna naman sa Jewels si Al Magpayo na may 24 puntos, 14 boards at 5 blocks.

Show comments