Suporta kay Chan, 2 gintong medalya ang naging kapalit

Bilang kapalit sa nakuhang suporta sa kanyang biyahe, ibinigay naman ni Jennifer Chan ang kanyang buong performance nang sumungkit ito ng dalawang gintong medalya sa katatapos pa lamang na second Asian Grand Prix of Archery na idinaos sa Singapore.

At sa kanyang pagdating sa bansa, inihandog ni Chan ang dalawang medalya kay First Gentleman Mike Arroyo na siyang nagpondo ng kanyang biyahe sa naturang event.

Dinomina ni Chan ang labanan sa Double 70-meter Round at sa Overall 70-meter Olympic Round individual events sa kompetisyong nagpakita rin sa iba pang top archers sa Asya.

"Maraming salamat po sa suporta, Sir Mike!," wika ni Chan."Umasa po kayo na gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para mabigyan ng karangalan ang ating bayan."

Isa lamang ang biyahe ni Chan na popondohan ng nalikom na P24 milyon sa isinagawang pledging session na inilunsad ni Arroyo noong Agosto sa Malacañang.

"The P24 million raised by the First Gentleman would go a long way in boosting our chances in the Vietnam SEA Games," sabi naman ni Philippine Sports Commssion (PSC) chairman Eric Buhain. (Ulat ni Maribeth Repizo)

Show comments