‘Bantay senado’ watchdog sa impeach trial, ikinasa!

Senator-judges tututukan
MANILA, Philippines — Isang independent watchdog ang ilulunsad bukas na siyang magmo-monitor para sa impeachment trial at siyang lalaban sa mga ikakalat na maling impormasyon at tutulong sa publiko para maunawaan ang impeachment process sa nalalapit na paglilitis kay Vice President Sara Duterte sa Senado.
Sa ginanap na Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, inanunsyo ni Carlo Flores, executive director ng Team Pinas, ang paglulunsad ng “Bantay Senado”, na isang inisyatibo na nakabatay sa tatlong prinsipyo.
Kabilang dito ang pagpapahayag ng katotohanan, pagtatayo ng tulay at paggawa ng paggawa ng pagbabago.
Sinabi ni Flores na nabuo ang Bantay Senado dahil ang nalalapit na impeachment trial ay magaganap sa isang kakaibang kapaligiran ng impormasyon kumpara sa mga nakaraang impeachment proceedings.
“Ito ‘yung magiging unang impeachment trial na dominant na ang social media at generative artificial intelligence,” ayon pa kay Flores.
Pangunahing trabaho aniya ng grupo sa pagdinig ay mag-monitor, magpaliwanag at magpaalala sa mga opisyal ng gobyerno ng kanilang mga obligasyon. Aniya, ang Bantay Senado volunteers ay susubaybay sa impeachment proceedings at sa developments nito, at ipaliwanag ang impeachment process sa simple at accessible lengguwahe sa pamamagitan ng community-based discussions at lokal engagements. Ipapaalala rin nila sa mga lider at senator-judges ang kanilang sinumpaang trabaho, responsibilidad at sa kanilang mandato.
- Latest















