‘Ma, I did it!

Centeno kampeon sa World 8-ball
MANILA, Philippines — Mayroon na namang world champion ang Pilipinas matapos masungkit ni Chezka Centeno ang kampeonato sa prestihiyosong Women’s World 8-Ball Championship kahapon.
Nagawa ito ni Centeno matapos patumbahin si dating world champion Kelly Fisher ng Great Bri-tain sa pamamagitan ng 9-6 desisyon sa finals na ginanap sa Oneida Casino Hotel sa Green Bay, Wisconsin sa Amerika.
Kinailangan ni Centeno na ilatag ang matikas na porma nito upang pigilan ang paghahabol ni Fisher.
Nakumpleto ni Centeno ang matamis na sweep sa torneo matapos pabagsakin ang lahat ng kanyang mga karibal mula sa opening round ng event hanggang sa finals.
May 7-0 rekord si Centeno sa torneo.
Tinalo rin ni Centeno sina 2025 champion Jasmine Ouschan ng Austria sa Round of 16, ang kababayang si Rubilen Amit sa quarterfinals at Wei Tzu-Chien ng Chinese-Taipei sa semifinals.
Naibulsa ni Centeno ang $30,000 o mahigit P1.8 milyon sa pagkopo ng kampeonato.
Ito ang ikatlong world title ni Centeno.
Una na itong nagkampeon sa World 10-Ball Championship noong 2023 at 2025.
Masayang ibinahagi ni Centeno ang kanyang tagumpay sa kanyang ina na si Josephine.
“Ma, I did it! Para sayo ito. Thank you, everyone, for all the love, prayers and support. 2026 Women’s 8-Ball World Champion. All glory is Yours,” ani Centeno sa kanyang post sa social media.
Sumakabilang-buhay ang ina nito noong Mayo 4 lamang.
“My mom was always by my side in every tournament. Through those moments, she built beautiful friendships in the pool community,” ani Centeno sa kanyang naunang post sa social media.
Sunod na tutulak si Centeno sa Italy kung saan dedepensahan nito ang kanyang korona sa World 10-Ball Championship na idaraos sa Hulyo 31 hanggang Agosto 6 sa Rome Cavalieri sa Waldorf Astoria Hotel sa Rome.
- Latest




















