Bantang pananaksak sa 2 Grade 7 sa Muntinlupa tutukuyin ng PNP

MANILA, Philippines — Masusing iniimbestigahan ng Muntinlupa City Police ang pagbabanta ng Instagram user na sasaksakin ang dalawang Grade 7 ng Muntinlupa Business High School (MBHS), sa Brgy. Buli, Muntinlupa City.
Ayon sa ulat, noong Agosto 1, 2026 ay nag-post sa Facebook ang isang Juliet De Jesus Lopena, ng screenshot ng Instagram message ng isang “Brent” na nagbabanta sa babaeng Grade 7 student at kaklase nito na sasaksakin nitong Lunes (Agosto 3).
Ang babala ay may nakasulat na “get ready on Monday” kaya agad na nakipag-ugnayan sa Guidance office ng paaralan, na nakumpirma na alam na nila ang nasabing online post at agad nang nagkasa ng mga hakbang para sa seguridad.
Tiniyak naman ng pulisya na agad silang nagpatupad ng pinaigting na visibility at foot patrols sa paligid at kalapit na mga lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, gayundin ang mga guro at staff.
Hindi na din ma-access ang Instagram account ng suspek na si “Brent” kaya hiniling na ng Muntinlupa Police na tukuyin ng Philippine National Police PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang pagkakakilanlan at lokasyon ng suspek.
- Latest
















