Mga border security ng Pinas, palalakasin - BI
MANILA, Philippines — Palalakasin umano ang border security ng Pilipinas laban sa human trafficking, terorismo, at transnational crime dahil sa mga butas tulad ng mga insidente ng pag-uwi ng 11 Pilipinong manggagawa mula sa Malaysia at pag-aresto sa 10 dayuhan sa Siargao.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado na anim sa Pilipinong manggagawa ay dumaan sa backdoor at nakapagtrabaho sa ibang bansa na nakatanggap ng kahit anong sahod.
Noong Hunyo 26 ay naaaresto ng BI ang 10 dayuhan sa General Luna, Surigao del Norte dahil sa overstaying at pagtatrabaho nang walang permit.
Dahil sa mga insidente ay nanawagan ang mga mambabatas na gawing moderno ang border security ng bansa.
Si Senator Kiko Pangilinan ay naghain ng Senate Bill No. 1867 para palakasin ang BI, at nagsabing hindi na sapat ang pre-war framework para sa mga hamon ng makabagong panahon at si Senator Raffy Tulfo naman ay nakatuon sa data integrity at sa mga kahinaan sa maritime borders habang si Rep. Ferdinand Martin Romualdez ay mariing itinaguyod ang BI Modernization Bill na mapapabuti ang travel experience ng mga pasahero at kasabay nito’y mapapalakas ang border security.
Upang maisakatuparan ang mga panukalang ito, kasalukuyang nirerebyu ng BI ang Civil Aviation and Immigration Security Services (CAISS) project — isang P10.74-billion public-private partnership proposal na sakop ng proyekto ang lahat ng 11 paliparan sa bansa.
Kabilang sa proyekto ang paggamit ng biometrics, electronic gates, at real-time AI-driven data sorting upang matukoy ang mga human traffickers, terorista, at iba pang high-risk travelers bago pa man sila pumasok o lumabas ng bansa.
Gumagamit ito ng “user-pays” financing model, kung saan maaaring magbayad ang mga pasahero ng $4 (humigit-kumulang P240) kada entry o departure — ibig sabihin, ang sistema ay pinopondohan ng mga gumagamit nito nang hindi na kailangang gumastos ang gobyerno.
Ayon kay Viado, kinikilala ng BI ang kahalagahan ng pagmo-modernize ng border management infrastructure upang mas labanan ang transnational crimes, human trafficking, terorismo, at iba pang emerging security threats.
- Latest















