Himala: Kapatid gumaling sa sakit! (Part 9)
HABANG nireresetahan ako ng doktor sa mga gamot na bibilhin ay nakatulala ako. Iniisip ko kung saan kukuha ng pambili ng mga gamot na iinumin ni Victor. Kailangang mabili ko ang mga iyon para sa kanyang lumalaking puso. Naisip ko, lalapit uli ako sa may-ari ng restaurant. Siya lang ang makatutulong sa akin. Lalakasan ko ang loob para makapagsabi.
“Ito na ang reseta—sampung klase ng gamot ‘yan. Kailangang mainom agad ‘yan,” sabi ng doktor. “Umaga at hapon ang inom ng mga ‘yan.”
“Opo, doktor.”
Paglabas ko sa room ng doktor ay nagbayad ako sa secretary para sa professional fee ng doctor.
Pagkatapos ay mabilis na akong lumabas. Kailangang makautang ako ng pera na pambili ng gamot. Dapat makainom si Victor ayon sa utos ng doktor. Sampung gamot ang kailangang bilhin.
Habang naglalakad, tila walang laman ang aking ulo.
Patungo na ako sa restaurant na aking pinagtatrabahuhan nang may makita akong babae na puti at asul ang suot na damit na tila may hinahanap. Napakaganda niya
Nagtanong ang babae.
“Puwede ba akong magtanong Iha?” tanong ng babae sa malamig na boses.
“Opo Mam. Ano po ‘yun?”
“Alam mo ba kung saan itong street number na ito—513 Marian St.”
“Opo. Sasamahan po kita, Mam. Malapit lang po rito.”
Itinuro ko ang address.
“’Yan po ang address Mam.”
“Salamat, iha.”
Bago ako nakaalis, isang sobre ang iniabot sa akin ng babae. (Itutuloy)
- Latest



















