'Lolo gulpi sa parak'
(Huling Bahagi)
PAGLUSOB ni Grace hanggang bewang ang lalim ng baha. May malakas na alon na dumating at natangay siya. Lumubog si Grace sumigaw at humingi ng saklolo. Lumubog… lumitaw… hangang tangayin siya ng baha.
Hindi nagpadala sa lakas ng anod si Grace. Pinilit niyang makarating sa ospital kung saan naroon si Lao.
Naabutan niya ang ama. Duguan, walang malay, hindi na umano humihinga.
Nung Miyerkules naisulat ko ang tungkol sa noo’y 79-anyos na Chinese national na tinangkang patayin umano ng pulis na si PO1 Richie Yapit.
Pinaamoy ni Grace Asuncion ng Chinese herb sa bote ang ama na si Lao Tan Lin kaya’t nagkamalay siyang muli.
“Ako na ang gumawa ng paraan para mabuhay si papa. Ayaw siyang pakialaman ng mga doktor dahil malaki ang pinsala ng tatay. Paanakan daw sila at maliit na kaso lang ang kanilang tinatanggap,” kwento ni Grace.
Hindi lang daw makatanggi ang ospital dahil pulis daw ang nagdala kay Lao.
Inilapat sa Tondo Hospital si Lao. Dito siya nilapatan ng pangunang lunas.
Kinailangang tahiin ang putok sa ulo ni Lao dahil sa pinukpok na baril sa kanya. Nabali rin ang kanyang tadyang.
Nagsampa sina Grace ng kasong Frustrated Murder at Robbery sa pagkakawala ng perang nasingil at relo ni Lao laban kay PO1 Richie Yapit at kina Jacklord Victoria at Angelo Sedillo, mga pamangkin niya rin.
Dinetalye ni Lao kay Grace kung paano raw siya binanatan nitong si PO1 Yapit. Pagdating ni Lao sarado na umano ang gate ng kanyang tinitirahan. Ayaw siyang pagbuksan ng pinto. Ang ginawa sa kanya, binato raw siya ng pinggan na babasagin. Pinansalag niya ang kanyang kamay kaya ito’y nahiwa.
Lumayo na lang itong si Lao at naisipang bumalik kay Grace. Hindi pa siya nakakalayo… pagtalikod niya bigla na lang niyang naramdaman na may pumalo sa kanyang ulo.
Lumingon siya at dun niya raw nakita si PO1 Yapit na may hawak na baril kasama ang dalawa pang lalaki.
Natumba si Lao. Hinila siya ng mga ito papasok sa side car ng isang tricycle at ilang ulit umano siya pinagsusuntok at pinagpapalo ng baril.
Bugbog-sarado ang matanda. Nanlabo ang kanyang paningin. Narinig na lang daw niya nagtanong si PO1 Yapit, “Patay na ba?” Sumagot ang isang lalaki, “Hindi na gumagalaw… patay na yata…”.
Biglang lumiwanag ang paligid. Tanging puting ilaw na lang ang nakikita ni Lao. “Alam ko ako patay na nun. Parang sa langit na ako,” kwento ni Lao.
Maya-maya nakaramdam na lang si Lao ng mabigat na bagay na dumadagan sa kanyang dibdib.
Bumalik ang kanyang malay. Pagmulat niya, nakita niya si PO1 Yapit na nakakapit sa bubong ng side car, naglalambitin habang sinisipa raw ang kanyang dibdib ng dalawang paa nito. “Ayan patayin na yan!” utos umano ni PO1 Yapit.
Ayaw daw siyang tuluyan nila Jacklord at Angelo kaya’t sinakay siya sa tricycle papunta sa presinto.
Habang nasa biyahe, naririnig ni Lao ang plano ng mga ito sa kanya.
“Itapon na sa ilog yan!” sabi umano ni PO1 Yapit.
“Ayoko… ikaw na lang,” pagtuturuan daw nila Jacklord.
Pagdating sa presinto isang matangkad (six-footer) na pulis daw ang lumapit kay Lao. Inabot daw ang isang 38 caliber na paltik na baril na nakabalot sa tuwalya.
Giit ng mga pulis pagmamay-ari ito ni Lao.
“Oh duguan na yan ah… baka dito pa mamatay yan. Itakbo n’yo sa ospital yan. Bantayan yan!” utos daw ng nasabing pulis.
Dito na dinala si Lao sa Navotas Lying-in kasama sina Jacklord at Angelo. Sa ospital na ito rin naabutan ni Grace ang kanyang ama.
Matapos magsampa ng kaso sa Prosecutor’s Office ng Malabon nailabas ang resolusyon ng kaso. Nakitaan ng probable cause ni Assistant Prosecutor Rhoda Magdalene Mapile-Osinada ang kasong Frustrated Murder para maisampa sa Korte. Na-dismiss naman ang Robbery for insufficient evidence.
Nakapagpiyansa si PO1 Yapit ng halagang Php100,000 bago pa makulong.
Nag-file rin ng kasong administratibo si Grace laban kay PO1 Yapit sa Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM). Two counts of Grave Misconduct (Physical Injuries and Grave Threats).
Ika-11 ng Setyembre 2006 naglabas ng memorandum si PNP Chief Oscar C. Calderon kung saan pinapatawan si PO1 Yapit ng ‘dismissal’ sa kanyang serbisyo.
Sa kasalukuyan, dinidinig pa rin ang kasong sinampa nina Grace kay PO1 Yapit sa MTC Branch 73 sa sala ni Judge Carlos M. Flores.
Ang pinagtataka ni Grace, bakit balik serbisyo na umano bilang ‘base police’ sa Camp Crame itong si PO1 Yapit nung taong 2007 at ngayon ay PO2 na raw.
Nagkontra-demanda na ang ina nitong pulis na si Evangeline Tumayao kay Lao ng Grave threats (2 counts) sa pagbabanta daw ni Lao na siya’y papatayin.
“Anim na taon na ang kaso, 85-anyos na ang papa ko wala pa ring nangyayari. Kami na nga ang naagrabyado, kami pa ngayon ang may kaso,” sabi ni Grace.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo. Ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (tuwing 3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Grace.
Bilang tulong, kami’y makikipag-ugnayan sa Department of Justice Action Center para i-follow-up ang estado ng kaso.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, bilib ako sa tapang nitong si PO1 Yapit. Ang mga pulis na katulad nito ang dapat isabak kalaban ng mga bandido Abu Sayyaf at break-away groups ng MILF para makita naman talaga ang galing nito o baka naman PO1 Yapit magaling ka lamang kung ang kalaban mo ay isang 79-years old na uugud-ugod? Mismong ang prosec, hindi makapaniwala na ang isang 79-anyos ay buong tapang na magtututok ng paltik na baril sa isang batang pulis kaya’t sa kanyang resolusyon dinismiss ang kaso. Si lolo lalaban sa batang parak? Sinong niloko mo? Lokohin mo ang lelong mo. Bulok ang style mo sa ginawa mong pagtatanim ng baril. Sino namang Pilato ang padrino mo at natulungan kang makapasok muli sa PNP?
Kami ay makikipag-ugnayan kay Chief Supt. James Andres Melad ang Camp Commander ng Crame upang alamin kung paano ka nakabalik sa serbisyo.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari rin kayo magpunta sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Boulevard., Pasig Citymula Lunes-Sabado.
Nais din naming batiin ang mga tagasubaybay ng aming pitak sina Beverly and Rodolfo Meru, Rowena Rubias-Meru ng Branch 192, RTC ng Marikina City at anak niya na si Robert Ameer Meru.
* * *
Email: [email protected]
- Latest
- Trending














